Hinimok ni dating Energy Secretary Jericho Petilla ang gobyerno na magtayo ng sariling 500-megawatt power plant na magagamit tuwing manipis ang suplay ng kuryente.
Aniya, ang government-owned plant ay maaaring ma-utilize sa panahon ng yellow o red alerts lalo’t inaasahan na magkukulang ang power supply ngayong dry season dahil sa mataas na demand.
Nabatid na nagbabala ang Department of Energy (DOE) na mahaharap sa 12 yellow alerts ang Luzon grid sa pagitan ng buwan ng Marso hanggang Nobyembre dahil sa kakulangan ng power reserves.
Una nang nanawagan si Energy Secretary Raphael Lotilla sa publiko na maging matipid sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang pagnipis ng suplay at posibleng brownout sa Metro Manila.