Iginiit ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) ang epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act o ang Republic Act No.11713.
Kasunod na rin ito ng atas ni Pangulong Bongbong Marcos sa DepEd na pagbutihin pa ang kalidad ng pagtuturo sa bansa matapos ang mababa pa ring resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Ayon kay Gatchalian, ang naturang batas ay mahalagang reporma para sa pagangat ng kalidad ng edukasyon at pagsasanay para magkaroon ng mahuhusay na mga guro sa bansa.
Sa ilalim ng batas na iniakda at inisponsoran ni Gatchalian sa Senado, isinasaayos ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng pagpapalakas ng koordinasyon sa DepEd, sa Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC) upang matiyak ang pagkakaugnay sa pre-service at in-service teacher education programs.
Pinagtatakda rin ang TEC ng minimum requirements sa teacher education programs para sa lalo pang pagpapahusay ng mga guro sa bansa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News