dzme1530.ph

Edukasyon, pagsasanay sa mga guro, pinatitiyak na nakahanay sa bagong Matatag curriculum

Muling hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kanyang panawagan sa Teacher Education Council (TEC) na tiyaking nakahanay ang pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa inilunsad na K to 10 MATATAG curriculum.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na isang dahilan ng pagpapaigting ng Teacher Education Council ang kawalan ng koneksyon sa edukasyon ng mga guro mula kolehiyo hanggang sa magturo sila sa ating mga paaralan.

Pinuna ng senador ang nakasanayan na itinuturo ng mga guro sa paaralan ang isang curriculum na hindi naman nila ginamit sa pagsasanay nila sa kolehiyo.

Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education, minamandato ang training at edukasyon ng mga guro at magtalaga ng basic requirements para sa mga teacher education programs o kurso sa edukasyon.

Nakasaad din sa batas na tungkulin ng TEC na paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC) upang matiyak ang ugnayan ng pre-service o training at edukasyon ng mga guro mula kolehiyo hanggang sa in-service o kapag nagtuturo na sila sa mga paaralan.

Hinimok din ni Gatchalian ang DepEd na tiyaking may pormal na dokumentasyon at pag-aaral sa pilot run ng MATATAG K to 10 curriculum, na sinimulan noong Setyembre 25 sa 35 na piling paaralan sa pitong rehiyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author