Kasabay ng pahayag na hindi dapat umasa ang bansa sa matatamis na pangako ng China, iginiit ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na napapanahon nang maghanap ang economic managers ng ibang bansang maaaring magpautang upang maipagpatuloy ang railway projects patungong Bicol region.
Sinabi ni Tolentino na hindi na dapat ipagpatuloy ng gobyerno ang pakikipagnegosasyon sa China dahil puro lamang sila pangako.
Una na anyang nangako ang China na popondohan ang Mindanao Rail at Bicol line project subalit hindi naman natuloy.
Iminungkahi pa ng senador na makipag-usap ang gobyerno sa Korea at Japan na higit aniyang may kapasidad at de kalidad ang gagawing proyekto.
Binigyang-diin pa ni Tolentino na matagal nang hinihintay ng mga taga-Bicol na maumpisahan ang proyektong ito para mas mapabilis ang transportasyon mula Metro Manila patungong Bicol Region.
Binigyang-diin naman ni dating Senate President Tito Sotto na mahalaga ang tamang alokasyon sa pondo para matiyak na mapunta ang proyekto sa mga nararapat na mga benepisyaryo.
Nagbabala naman si ACT CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pamumulitika sa mga proyektong imprastraktura kasabay ng paggiit na dapat maglingkod ang mga lider anuman ang kulay nila sa politika.