Sa kabila ng pagbawi ng apat na suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ng kanilang mga naunang testimonya, nananatiling matibay ang mga kaso laban sa kanila, ayon sa Department of Justice.
Sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na higit pa sa sapat ang hawak nilang ebidensya para usigin ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng law enforcement authorities.
Hindi naman nagbanggit ng iba pang detalye si Fadullon, subalit tiniyak nito na tututukan nila ang kaso hanggang sa dulo.
Idinagdag din nito na hindi pa opisyal na natatanggap ng DOJ ang recantations ng mga suspek, kasabay ng pahayag na karapatan ng mga suspek na bawiin ang kanilang statements, lalo na’t mayroon na silang private lawyers. —sa panulat ni Lea Soriano