Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “Ease of Paying Taxes Act” na magpapagaan at magpapa-simple sa pagbabayad ng buwis.
Inamyendahan ng Republic Act no. 11976 ang malaking bahagi ng National Internal Revenue Code of 1997, para sa Administrative Tax Reforms.
Ilan sa mga tampok sa bagong batas ang classification sa taxpayers sa micro, small, medium, o large, electronic o manual filing ng tax returns at tax payment sa Bureau of Internal Revenue sa pamamagitan ng authorized agent bank o authorized tax software provider, at classification sa value-added tax refund claims sa low, medium, at high-risk.
Titiyakin din nito ang availability ng registration facilities sa non-Philippine resident taxpayers, at pagpapabilis at pagbabawas ng mga dokumento sa pagbabayad ng buwis.
Isusulong din ang digitalization ng BIR sa pamamagitan ng integrated digitalization strategy, automated system sa tax services, electronic at online system sa data and information exchange, at iba pang modernong pamamaraan.
Ang Ease of Paying Taxes Act ay isang priority legislation ng Pangulo na nakikitang magpapataas sa koleksyon ng buwis tungo sa pagpapalakas ng economic at social development. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News