Naghahanda na ang Dep’t of Social Welfare and Development sa bagyong inaasahang papasok ng bansa ngayong linggo.
Ayon sa PAGASA, kasalukuyan pang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Storm “Mawar”, at posible itong lumakas sa isang Super Typhoon sa oras na pumasok ng bansa sa Biyernes o Sabado.
Kaugnay dito, ipinag-utos na ni DSWD sec. Rex Gatchalian ang pag-preposition ng family food packs sa mga lugar na inaasahang daraanan ng bagyo.
Sa DSWD Field Office sa Cordillera, naka-standby na ang 16,355 family food packs kabilang ang 4,401 sa Abra, 5,300 sa Kalinga, at 6,654 sa Apayao.
Ininspeksyon na rin ang regional at satellite warehouses sa Region 1, habang isinagawa naman ang Pre-Disaster Risk Assessment Meeting sa DSWD western Visayas.
Mayroon ding P579.89-M na quick response fund ang DSWD Central Office, at P69.77-M sa DSWD Field Offices. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News