Patuloy ang ginagawang pagsasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kalsada para sa nalalapit na FIBA World Cup 2023.
Ilan sa mga ito ay mga kalsada mula sa airport, hotels, at mga venue na pagdarausan ng World Cup.
Sa report na natanggap ni DPWH Sec. Manuel Bonoan mula sa DPWH National Capital Region, nitong nakaraang buwan ng Hulyo ay sinimulan na nilang tumulong sa Philippine Sports Commission upang masiguro na lahat ng ruta ng pagdarausan ng World Cup ay nasa maayos na kondisyon.
Kaugnay nito, kanila ng tinapalan at inayos ang mga butas sa mga kalsada patungong Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City at Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagkasa rin ang DPWH ng Emergency Road Repairs sa ilang bahagi ng EDSA Carousel na nagkaroon ng ilang sira matapos ang magdaang bagyo na sinabayan pa ng makalas na ulan dulot ng Habagat.
Para naman maging maluwag ang daloy ng trapiko sa mga araw ng pagho-host ng bansa ng FIBA World Cup mula August 25 hanggang September 10, 2023, sususpindihin ng DPWH ang ilang mga road works maliban lamang sa malalaking proyekto at ilang road repairs. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News