Ikinakampanya ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na maideklara bilang National Artist ang “comedy king” na si Dolphy.
Ito ang inihayag ni FDCP Chair Tirso Cruz III kasabay ng pinaplanong tribute sa comedy king para sa pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month (PFIM) sa Setyembre.
Ayon kay Tirso, palaging napapabilang ang pangalan ni Dolphy sa tuwing may deliberasyon para sa naturang titulo ngunit hindi ito nakakapasok.
Kung miyembro lang aniya siya ng selection committee, ay pipilitin niyang makuha ito ng komedyante, pero dahil hindi involved ang FDCP doon, wala aniya siyang magagawa kundi ang ikampanya lamang ito.
Nabatid na inanunsyo ng Film at TV Director na si Jose Javier Reyes na napili nilang magsagawa ng tribute para sa late comedianne dahil mas mahirap aniya na magpatawa kaysa magpaiyak.
Dagdag pa ni Reyes, madalang makatanggap ng awards ang mga komedyante dahil hindi sila siniseryoso ng mga manunuod ngunit mas mahirap ang kanilang ginagawa.
Kaya nararapat lamang aniya na ma-recognize ang comedy king dahil sa kanyang pagbibigay ng kasiyahan sa mga Pinoy hanggang ngayon sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula. —sa panulat ni Jam Tarrayo