dzme1530.ph

DOLE, naglatag na ng aktibidad sa Labor Day

Maagang naglatag ng programa ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa 121 Araw ng Paggawa sa Mayo 1 na may temang “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino.”

Sa ipinadalang abiso ng DOLE, magsasagawa ng tatlong pangunahing aktibidad kabilang dito ang Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa, pamamahagi ng ayuda sa mga trabahador at Jobs Fair sa iba’t ibang venue sa buong bansa.

Kaagapay ng DOLE ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Agriculture (DA) sa Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa kung saan ay mabibili ang mga produkto sa mas mababang halaga.

Pangungunahan ng kagawaran ang pamamahagi ng ayuda, suweldo sa mga benipisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, Special Program for Employment of Students (SPES), at ang Government Internship Program (GIP) sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Upang mapabilis ang paghahanap ng trabaho, isasagawa ng DOLE ang Job Fairs sa 16 na rehiyon kung saan ang pangunahing venue ay ang National Capital Region (NCR).  —ulat mula kay Felix Laban, DZME News

About The Author