Hinimok ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police na tukuyin at ikunsiderang ipagharap ng kaso ang doktor na tumangging magbigay ng serbisyong medikal kay John Matthew Salilig matapos itong mahirapan dulot ng hazing.
Sa pagdinig ng Senado sa hazing activity, isiniwalat ni Tolentino ang bahagi ng sinumpaang salaysay ng isa sa mga miyembro ng Tau Gamma Phi na si Ralph Benjamin Tan kaugnay sa pagtanggi ng isang doktor na tulungan si Salilig.
Sa sinumpaang salaysay ni Tan, nakasaad na isa pa sa kanilang miyembro na isinalang sa initiation rites na kinilala sa alyas na Lee ang sinundo ng pinsan nitong doktor sa lugar kung saan sila nagpapahinga matapos ang initiation rites.
Tinanong anya ni Tan ang doktor kung maaari nitong tulungan si Salilig na nang mga sandaling iyon ay nahihirapan na subalit tumanggi umano ang pinsan ni Lee.
Sinabi ni Tolentino na dapat matukoy ang naturang doktor at papanagutin dahil paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin ang pagtanggi sa sinumang pasyente.
Samantala, ikinukunsidera ng mga senador na isama sa mga amyenda sa anti Hazing Law ang probisyon na accredited man o hindi ng mga Unibersidad o eskwelahan ang mga fraternity na masasangkot sa karahasan ay magkakaroon ng pananagutan ang school administrator.