dzme1530.ph

DOJ, 6 na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero, kinasuhan

Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng kidnapping at serious illegal detention ang anim na indibidwal na umano’y sangkot sa pagkawala ng anim na sabungero noong Enero 2022.

Ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano, inihain sa Manila Regional Trial Court ang mga nabanggit na kaso laban sa farm manager na si Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Roberto Matillano Jr.

Sinabi ni Clavano na walang inirekomenang piyansa ang mga prosecutor para sa mga respondent na pawang nananatiling at large.

Noong Disyembre 2022, inihayag ng DOJ na nagsabwatan ang anim na respondents sa pagdukot kina John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, at Rowel Gomez.

Enero noong nakaraang taon nang umalis ng Tanay, Rizal ang mga sabungero para magtungo sa Maynila bandang ala-una ng hapon subalit sapilitan silang isinakay sa kulay gray na van dakong ala syete y medya ng gabi.

About The Author