Magsasanib pwersa ang Department of Health (DOH) kasama ang World Health Organization (WHO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF) para mapalakas ang Child Immunization Rate sa Pilipinas.
Sa naganap na Stakeholder’s Summit, binigyang diin ng DOH na ang naturang aktibidad ay nagsilbing daan upang magkaroon ng karagdagang resources ang kagawaran na mapabilis ang reporma sa fiscal and legislative reforms, local government action, cold chain and supply chain management, pati na ang pagpapabuti sa vaccine program management.
Kabilang sa mga pinag-usapan sa pulong ay ang mga kinakailangang reporma sa pagbabakuna gaya ng pag-amyenda sa Immunization Law; pagpapalakas ng primary health care at ng pangunahing sistema ng kalusugan tulad ng human resources at digitalization; at pagpapaigting ng mga aktibidad sa komunikasyon.
Kasunod nito, tiniyak ni Health Sec. Ted Herbosa, na muling pagtitibayin ng DOH ang kanilang pangako na wakasan ang pagkalat ng mga sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga bata. —sa panulat ni Jam Tarrayo