Muling nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng sakit na may kaugnayan sa tag-ulan, kabilang na ang dengue, leptospirosis, at waterborne diseases.
Pinaalalahanan ni DOH Spokesperson, Asec. Albert Domingo ang publiko na doblehin ang pag-iingat upang maiwasan ang mga sakit at agad magpakonsulta kapag may naramdamang mga sintomas.
Partikular na nagbabala si Domingo tungkol sa leptospirosis na maaaring makuha sa pamamagitan ng paglusong sa baha na kontaminado ng ihi ng hayop, at lalabas lamang ang mga sintomas nito makalipas ang dalawang linggo.
Major concern ding itinuturing ang waterborne diseases, gaya ng diarrhea at gastrointestinal infections, kapag may nasirang tubo ng tubig o pumasok sa kabahayan ang baha.
Idinagdag ni Domingo na bagaman nananatiling under control ang dengue cases, hindi pa rin nagpapaka-kampante ang DOH, kasabay ng pagbibigay diin sa kahalagahan ng paglilinis sa mga komunidad at tahanan.