Pinagpapaliwanag ni Sen. Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) sa pagkaantala ng pagsusumite sa Kongreso ng bagong roadmap para sa sektor ng enerhiya.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang Philippine Energy Plan (PEP) ng bansa, na aabot hanggang 2050, ay naglalayong palakasin ang paggamit ng renewable energy (RE) at makabuo ng energy mix tungo sa isang tinatawag na clean energy scenario.
Ayon sa senador, dapat nagsusumite ang DOE sa Kongreso ng updated na energy roadmap kada Setyembre 15 ng bawat taon alinsunod sa Republic Act 9136, na kilala rin bilang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Mahigit tatlong buwan na anyang overdue ang pagsusumite ng PEP.
Ang kasalukuyang renewable energy goals ng Pilipinas ay tinatayang nasa 35% pagdating ng 2030 at 50% pagsapit ng 2040.
Mismong ang DOE ang nagsabi na ang PEP ay isang komprehensibong roadmap para sa sektor ng enerhiya na titiyak ng isang sustainable, sapat, ligtas, accessible, at makatuwirang presyo ng enerhiya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News