Pinatitiyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na tiyaking mabibigyan ng back pay at iba pang benepisyo ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho sa New Zealand.
Pinaglalatag din ni Villanueva ng mga hakbangin ang DMW at DFA upang maiwasang maulit sa mga OFW sa New Zealand ang naranasan ng mahigit 10,000 Pinoy sa Saudi Arabia na nawalan ng trabaho noong 2015 at hindi pa rin natatanggap ang kanilang benepisyo.
Mahigit 700 OFW ang nawalan ng trabaho sa NZ nang magsara ang isang skilled labor agency sa construction at manufacturing sector, apat na raw bago mag-Pasko.
Bagama’t nangako ang kumpanya na mababayaran ang mga OFW, hindi naman sila nagbigay ng tiyak na petsa kung kailan nila ito maibibigay.
Nababahala naman ang senador na bagama’t valid ang mga visa ng mga OFW para sa tatlong taon, hindi naman sila pinapayagang mag-switch o lumipat sa ibang trabaho kaya kanya-kanyang diskarte na lang ang mga naapektuhang OFW para mabuhay.
Samantala, nanawagan din si Villaneuva sa DFA at DMW na maging proactive sa pagsubaybay sa mga OFW sa Papua New Guinea sa gitna ng karahasan doon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News