dzme1530.ph

Disinformation campaign kaugnay sa WPS, pinabubusisi sa Senado

Nais ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada na busisiin ng Senado ang sinasabing disinformation campaign kaugnay sa West Philippine Sea na pinopondohan umano ng isang dayuhang bansa.

Sa kanyang Senate Resolution 910, nais ni Estrada na pangunahan ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang imbestigasyon ‘in aid of legislation sa pagpapakalat ng fake news at mga maling impormasyon tungkol sa mga iligal na gawain at panghihimasok ng dayuhan sa karagatang sakop ng bansa.

Ayon kay Estrada, ang mga hakbang na ito ay nagpapahina sa makasaysayang tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration.

Dapat anyang matukoy at masuri ang lawak ng makinarya ng nasa likod ng disinformation campaign upang makatulong sa pagbuo ng patakaran at paraan para mabigyang solusyon ang nasabing usapin at mabuwag ang network ng mga nagpapakalat ng mga walang batayan na impormasyon.

Tinukoy sa resolusyon na may ilang journalists ang nakatanggap ng email kung saan tinangka na ilihis ang atensyon ng publiko sa mga mararahas na aksyon ng China at sa halip ay itinuturo ang militarisasyon ng Vietnam sa WPS. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author