Naniniwala si Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na hindi solusyon sa labor issues ang pagputol sa diplomatic ties ng Pilipinas sa Kuwait.
Binigyang-diin ni de Vega na mayroong magandang relasyon ang dalawang bansa na kapwa sanay na sa pakikipag-usap sa pagreresolba sa suliranin.
Isang patunay aniya rito ang patuloy na pakikiisa ng Pilipinas sa Kuwait National Day sa gitna ng isyu sa nangyaring pag-abuso at pagpatay kay Jullibee Ranara na OFW sa naturang bansa.
Nabatid na ang pagsususpinde ng Kuwait sa paglalabas ng working visa sa mga OFW ay bunga umano ng paglabag ng Pilipinas sa mga kasunduan ng dalawang bansa.
Una nang inihayag ng DFA na naniniwala silang maisasaayos ang mga isyu sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas. —sa panulat ni Joana Luna