Tutol ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Sa isang pahayag sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. na upang matiyak ang patuloy na kapayapaan, pag-unlad at kaunlaran sa Mindanao ay dapat manatiling “united at undivided” o nagkakaisa ang Pilipinas.
Aniya, ang pagkalas ay hindi sagot sa mga alalahanin ng Mindanao. Lalabag ito sa mga pangunahing prinsipyo ng konstitusyon at magpapababa sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang mungkahing paghihiwalay ng Mindanao sa bansa ay inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos madismaya sa administrasyong Marcos sa pagpapasimula ng bagong hakbang para amyendahan ang konstitusyon. —sa panulat ni Joana Luna