dzme1530.ph

DICT, nanindigang hindi naapektuhan ng malware attack ang database ng PhilHealth members

Nanindigan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi naapektuhan ng ransomware attack kamakailan ang database ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ito’y matapos kumpirmahin ng DICT na ni-leak o inilabas ng mga nasa likod ng cyberattack ang transaction data ng ilang miyembro ng state health insurer.

Sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Dy na batay sa kanilang analysis ay walang remnants o bahid ng Medusa Malware sa database ng PhilHealth members.

Inihayag din ni Dy na maaring galing ang transactional data mula sa mga transaksyon sa pagitan ng PhilHealth at mga ospital na ang worksheets ay nasa kanilang computers na mayroong Medusa Ransomware.

Kahapon ay inilabas ng Medusa Ransomware Group ang kopya ng mahigit 600 gigabytes ng files mula sa PhilHealth sa isang website at telegram channel, dalawang araw matapos mag-expire ang deadline para sa ransom payment na $300,000 o tinatayang P17-M. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author