Ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Dep’t of Information and Communications Technology ang pagtulong sa mga lokal na pamahalaan na maka-adapt sa E-Governance System.
Sa sectoral meeting sa Malacañang, inatasan ng Pangulo si DICT sec. Ivan John Uy na i-setup ang E-GOV Systems sa mga LGU at turuan sila sa paggamit nito.
Iniutos din ang pagsasagawa ng regular upgrades sa system, alinsunod sa isinusulong na digitalization sa gobyerno.
Sinabi naman ni Sec. Uy na malaki ang matitipid ng mga LGU sa E-GOV System at mapatataas pa nito ang kanilang income dahil mapadadali nito ang kanilang koleksyon.
Matatandaang inanunsyo ng DICT na isasama ang mga LGU sa E-GOV system kabilang sa E-GOV Super App na ilulunsad sa susunod na buwan.
Ang E-GOV System ang paggamit ng mga mekanismo sa technological communications tulad ng internet at digital apps para sa mga proseso at transaksyon ng gobyerno. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News