dzme1530.ph

DFA, patuloy na po-proteksyunan ang mga OFW sa Kuwait

Inaalmahan ng Kuwaiti government ang ilang hakbang ng Pilipinas para tulungan ang OFWs sa Kuwait ayon sa Dep’t of Foreign Affairs.

Batay sa ulat, naniniwala ang Kuwait na may nilabag umano ang Pilipinas sa kanilang kasunduan.

Nabatid na nais ng Kuwait na suspendihin ng Pilipinas ang deployment ban sa pagpapadala ng mga first-time domestic worker maging ang pagkakaloob ng shelter sa mga OFWs na tumakas sa kanilang mga amo.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, kailangang ipaintindi sa gobyerno ng Kuwait na kailangang protektahan ng bansa ang mga Filipino runaway dahil aniya ayon sa batas sa migrant workers, dapat mayroong Filipino center o shelter para sa mga Pinoy.

Ipapaliwanag anila ang naging aksyon ng Pilipinas sa Kuwait upang maintindihan nito na hangarin ng patakaran ay para sa kapakinabangan ng dalawang bansa.

Pebrero ng kasalukuyang taon nang ipinatupad ng DMW ang deployment ban ng bagong domestic helpers sa Kuwait upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng pang-aabuso kasunod na rin ng pagpaslang kay Julleebee Ranara, na pinatay sa kanilang bansa ng anak ng amo nito.

About The Author