Humihirit ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng panibagong dayalogo makaraang panindigan ng Kuwaiti government ang kanilang entry ban at suspensyon sa pag-i-isyu ng visa sa mga Pilipino.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Raymund Cortes na nire-respeto ng bansa ang mga batas at regulasyon ng Kuwait subalit nais nila na mag-convene ng isa pang meeting tungkol sa naturang usapin.
Tiniyak ni Cortes na patuloy silang makikipag-ugnayan sa Kuwaiti government upang masiguro ang sa tingin nila ay makabubuti sa kapakanan ng mga Pilipino na alinsunod sa kanilang batas.
Umaasa ang DFA official na sa hinaharap ay magkaroon ang Pilipinas at Kuwait ng mas malinaw na unawaan para sa mga Pilipino. —sa panulat ni Lea Soriano