Hindi makaaapekto sa paghahanda ng Comelec ang desisyon ng Supreme Court na labag sa batas ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) mula December 5, 2022, sa huling Lunes ng Oktubre ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na bagaman unconstitutional ang postponement ay nilinaw ng Korte Suprema na tuloy pa rin ang Barangay at SK elections sa October 30.
Inihayag din ni Garcia na dahil sa desisyon ng SC ay obligado ang poll body na magdaos ng panibagong BSKE sa 2025, sapagkat ang mga mananalong barangay at SK officials ngayong 2023 ay dalawang taon lamang ang termino.
Nangangahulugan ito na dalawang eleksyon ang paghahandaan ng Comelec sa 2025 na kinabibilangan ng national and local election at BSKE. —sa panulat ni Lea Soriano