dzme1530.ph

DepEd, kinumpirma ang memo para sa pagpapalit sa katagang “Diktadurang Marcos” sa curriculum!

Kinumpirma ng Dep’t of Education na may umiiral na memo para sa pagpapalit sa katagang “Diktadurang Marcos” bilang “Diktadura” sa curriculum ng Araling Panlipunan sa Grade 6.

Ayon kay DepEd Bureau of Curriculum and Teaching Director Joyce Andaya, ang memo ay isang liham na nagmula sa Bureau of Curriculum Development (BCD) Specialist, at ipinadala na ito sa Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching.

Sinabi ni Andaya na ito ay bahagi ng kanilang internal process, at iginagalang nila ang tindig ng kanilang BCD Specialist.

Nilinaw naman ng DepEd official na sasailalim pa sa vetting o validation process ang planong pag-rebisa sa curriculum.

Idinagdag pa nito na nais lamang ng BCD na gawing organisado ang titulo ng mga paksa sa curriculum, at babanggitin pa rin ang pangalan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ang deklarasyon ng Martial Law.

Itinanggi naman ni Andaya na uri ito ng “Historical Revisionism”, at wala rin umanong political pressure mula sa kasalukuyang administrasyon para alisin ang pagkakadikit ng pangalang Marcos sa diktadura. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author