Inilunsad ng Department of Labor and Employment ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Training cum Production katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Tourism (DOT), at ang Oriental Mindoro LGU.
Layon nito na palakasin ang magkasanib na tulong sa mga indibidwal na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ang pagtutulungan ng mga nasabing ahensiya ay sinelyuhan sa pamamagitan nang paglagda sa Memorandum of Agreement ng DOLE, TESDA, DOT at Oriental Mindoro LGU.
Sa pamamagitan ng kasunduan, 19,892 na benepisyaryo sa mga apektadong lugar sa Oriental Mindoro ang tatanggap ng ₱110-M na halaga ng pansamantalang trabaho at tulong-pangkabuhayan sa pamamagitan ng TUPAD.
Sa ilalim ng MOA, ang DOT ang magbibigay ng kasanayan sa mga kuwalipikadong benepisaryo sa kulinarya/food tourism; farm tourism; tourism micro retail; health and wellness tourism at iba pa; ang TESDA ang magpopondo sa NC II skills training habang ang Oriental Mindoro LGU ang coordinator na mamamahala sa pagtiyak sa mga apektadong manggagawa, maayos na pagpapatupad ng proyekto at ang pagsubaybay sa integrasyon ng mga sinanay na benepisyaryo. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News