dzme1530.ph

Dating Sen. de Lima, ‘di nagdudang mapapawalang sala sa kanyang mga kasong droga

Hindi nagduda si dating Sen. Leila de Lima na mapapawalang sala siya sa lahat ng kasong inihain laban sa kanya ng dating administrasyon.

Sinabi ni de Lima na kung pagbabatayan ang mga merito ng mga kaso ay malinaw ang kanyang pagiging inosente.

Dalawang kaso na anya ang nabasura at isa na lamang ang nakabinbin kasabay ng pahayag na masaya siya sa ikalawang acquittal na kanyang natamo.

Naniniwala ang dating mambabatas na malapit na ang kanyang paglaya matapos ang mahigit anim na taong persecution.

Nagpapasalamat din si de Lima sa lahat ng naniwala at sumama sa kanyang laban at tiniyak na balang araw ay makakamit ang katarungan, lalaya, at makakasamang muli ang lahat ng kanyang tagasuporta.

Ang nakakalungkot anyang yugto ng pagkakulong sa kanya ay marami siyang mga kaanak at kaibigan na hindi na makikitang muli subalit itinuturing niya itong pagsubok sa tatag ng kanyang kalooban at lalim ng pananampalataya sa Panginoon.

Binigyang-diin pa ng dating mambabatas na ang araw na ito ay tagumpay ng lahat na lumaban para manaig ang katarungan kasabay ng pahayag na patuloy pa rin siyang lalaban. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author