Sisikapin ng administrasyong Marcos na maibalik na sa susunod na taon ang dating school calendar.
Ito ay sa harap ng kaliwa’t kanang suspensyon ng face-to-face classes dahil sa matinding init ng panahon ngayong summer, at dahil na rin sa El Niño.
Sa ambush interview sa PICC sa Pasay City, inihayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pinagsu-sumite na niya si Vice President at Education Sec. Sara Duterte ng konkretong plano, dahil maaaring kailangang-kailangan nang maibalik ang dating school year.
Kaugnay dito, naniniwala si Marcos na mas makabubuti sa mga bata na maibalik ang dating schedule ng pasukan.
Mababatid na sa dating school year, nagsisimula ang klase tuwing Hunyo at nagtatapos sa Marso o Abril para sa summer vacation.