Itinigil na ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang pag-inom ng fentanyl bago pa man ito maluklok sa poder noong 2016.
Ito ang inihayag ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, matapos iugnay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iniinom na gamot ng dating pangulo ang mga akusasyon nito laban sa kanya.
Sinabi ni Panelo na nabanggit noon ni Duterte na umiinom ito ng fentanyl para maibsan ang sakit na nakuha nito sa aksidente sa motorsiklo noong mayor pa ito ng Davao City.
Gayunman, matagal na aniyang hininto ng dating Pangulo ang pagkonsumo ng naturang gamot dahil nawala na rin umano ang kirot na dala ng aksidente.
Idinagdag pa ni Panelo na ayon sa medical professionals, ang epekto ng sobrang pag-inom ng fentanyl ay maaring magdulot ng fatal stroke, subalit hindi kabilang dito ang estado ng pag-iisip ng pasyente. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera