Handa si dating Pang. Rodrigo Duterte na harapin ang kabayaran, kahit mabulok sa bilangguan, sakaling mapatunayan ng International Criminal Court na lumabag sa Karapatang Pantao ang madugong War on Drugs ng kanyang administrasyon.
Sa National Prosecutors’ Convention sa Davao City, muling minura ng dating Pangulo ang ICC at sinabing wala siyang pakialam, dahil sa simula pa lang ng kanyang panunungkulan ay itinaya na niya ang kanyang pangalan, karangalan at posisyon sa paglaban sa iligal na droga.
Binigyang diin ni Duterte na ginawa niya ang dapat niyang gawin at wala siyang pakialam kahit mamatay pa siya sa kulungan.
Pabiro pang idinagdag ng dating Punong Ehekutibo na hindi naman siya mahahabol ng ICC, dahil inasahan niyang pagsapit niya ng 80 ay mamamatay na siya.