dzme1530.ph

Dalawang nagtatayo ng internet antenna nakuryente, patay!

Dalawang lalaking Moro ang agad na namatay sa pagkakuryente ng sumagi sa isang high-tension power line ang kanilang itinatayong internet antenna sa Barangay Pidsandawan sa Radjah Buayan, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules, August 24, 2023.

Sa pahayag nitong Huwebes ni Col. Roel Rullan Sermese, director ng Maguindanao Provincial Police, agad na nasawi sina Saiden Adas, 18-anyos, at ang 34-anyos na kasama nitong si Parekho Abdulsalam.

Nagtatayo ang dalawa ng internet antenna na nakakabit sa dulo ng GI pipe na aksidenteng tumama sa isang overhead powerline na nagsanhi ng kanilang pagkakakuryente.

Ayon kay Sermese, apat katao na nagtangkang tumulong kina Adas at Abdulsalam, habang kumikisay at nakahawak sa metal na tubong dumikit sa power cable, ang nakuryente din at agad na isinugod sa pagamutan ng mga emergency responders mula sa lokal na pamahalaan.

Agad namang hinatid ng mga kawani ng Radjah Buayan local government unit at ng mga kasapi ng municipal police force ang mga bangkay ni Adas at Abdulsalam sa kani-kanilang mga pamilya. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News

About The Author