Iginiit ng Department of Agriculture sa Central Visayas (DA-7) na susundin nito ang pambansang patakaran upang pigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) virus sa pamamagitan ng pagpatay sa mga baboy.
Sinabi ni DA-7 ASF Coordinator Dr. Daniel Ventura ang pahayag matapos iatas ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang pagtigil sa pag-cull ng mga buhay na baboy sa lungsod ng Carcar dahil hindi lahat ay apektado ng ASF.
Binigyang-diin din ni Ventura na karaniwang protocol ang pagsakripisyo ng lahat ng mga baboy sa loob ng 500-meter radius mula sa lugar kung saan nagmula ang impeksyon upang matiyak na hindi mahahawaan ng ASF virus ang iba pang mga baboy.
Nabatid na ipinalipat ni Garcia ang surveillance ng mga baboy sa lalawigan mula sa slaughter houses patungo sa backyard farms upang makita ang sitwasyon na nangyayari rito.