Pinag-aaralan ng Dept. of Agriculture ang lahat ng paraan, kabilang ang posibleng pag-iimport ng sibuyas upang mapababa ang presyo nito sa merkado.
Ayon kay DA Asec. Kristine Evangelista, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa onion farmers upang malaman kung papaano nila pabababain ang farmgate price, na kasalukuyang nasa P100 hanggang P120 kada kilo.
Aniya, naka-monitor na rin ang DA sa mga papasok at palabas na suplay ng sibuyas sa cold storage facilities at binabantayan na rin nila ang mga pantalan at pamilihan upang malaman kung ang mga ibinebenta rito ay smuggled onions.
Nabatid na sinabi ng Bureau of Plant Industry o BPI na nananatiling sapat hanggang sa buwan ng Nobyembre ngayong taon ang suplay ng pulang sibuyas sa bansa habang ang puting sibuyas naman ay sa Setyembre.