Patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong nagpositibo sa COVID-19 sa Metro Manila, batay sa mas mataas na positivity rate na naitala ng OCTA Research nitong nakaraang linggo.
Ayon kay OCTA research fellow Dr. Guido David, mula 7.3% noong Abril 16, pumalo ang positivity rate ng rehiyon sa 10.6% noong Abril 23.
Ayon pa kay David nasa 3,120 ang COVID-19 test per-day ng NCR na mas mababa sa 11,000 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri.
Sa datos, karagdagang 315 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ang naitala ng Department of Health kahapon, kaya lumobo na sa 4,089,709 ang total case load.