Kinumpirma ni Ako Bikol Partylist Rep. Zaldy Co, na kabilang ang P650-M confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education sa initial sources ng karagdagang intelligence at confidential funds sa ilang piling tanggapan ng pamahalaan.
Ayon sa Chairman ng Committee on Appropriations, ilan sa tiyak nang madaragdagan ang CIF ay ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Coast Guard (PCG), National Security Council (NSC) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Inamin ni Co na nais ng nakararaming kongresista sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez na buhusan ng malaking pondo ang mga tanggapan na kunektado sa West Philippine Sea issue.
Una diyan sa isang joint statement ng mga partido pulitikal sa Kamara, nagkasundo ang mga ito na ire-allign ang lahat ng confidential at intelligence fundings ng government agencies na hindi kunektado o wala sa mandato ang national security.
Ang Philippine Coast Guard at BFAR na siyang nasa frontline sa sigalot sa WPS ang bibigyan ng malaking pondo para epektibong mabantayan ang teritoryo ng bansa. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News