Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na may ilan na ring pagbawi ng signature forms ang kanilang naitala para sa People’s Initiative.
Ito’y makaraang ihayag na pwede ng bawiin ang mga lagda para sa P.I matapos ang suspensyon sa pagtanggap ng signature forms.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, may isang bayan sa Antique ang nagdesisyong bawiin na ang mga isinumiteng lagda sa kanilang local office sa Hamtic, na mayroong bilang na 3,757 na pirma.
Dagdag pa ni Garcia, welcome sa COMELEC kung sakaling masundan pa ito sa ibang mga lugar basta maibabalik din ang certification na binigay ng election officer na tinanggap para sa mga lagda.
Sa mga hindi naman babawi ng kanilang signature forms, ay muling nanindigan ang komisyon na kailangan pa rin nila itong ingatan sa kabila ng suspensyon at hindi rin nila ito pwedeng itapon, punitin o sunugin, dahil mayroon silang pananagutan sa mga lagdang kanilang tinanggap.
Sa kasalukuyan, iginiit ni Garcia na wala ng tinatanggap na signature forms ang kanilang local offices at hindi na rin sila tumatanggap pa ng anumang petisyon para dito hanggang hindi pa nila narerepaso ang kanilang guidelines. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News