dzme1530.ph

COMELEC, inatasan ang mga kakandidato sa BSKE na burahin na ang socmed posts kaugnay sa halalan

Pinatatanggal ng Commission on Elections (Comelec) sa mga tumatakbong kandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang kanilang mga social media posts na may kaugnayan sa halalan.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maituturing kasing isang uri ng pangangampanya ang mga post sa social media na ipinagbabawal pa sa ngayon, kaya malaki ang posibilidad na madiskwalipika ang mga ito.

Nagkalat na kasi aniya ang mga litrato ng mga kandidato, maging ang line-up ng mga tatakbo sa barangay sa social media kahit hindi pa man sumasapit ang campaign period na itinakda mula Okt. 19 hanggang 28.

Dagdag pa ng Comelec official, bagaman walang kakayahan ang komisyon na bantayan ang lahat ng social media post, maaari naman itong magawa ng kanilang kalaban sa posisyon at magsampa ng disqualification case.

Samantala, ipinaalala rin ni Garcia na tatanggap din sila ng mga disqualification case laban sa mga kaanak ng elected national at local officials na nagbabalak tumakbo sa SK ngayong eleksyon.  —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author