Hinamon ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang China na ilabas ang anumang dokumento na magpapatunay sa kanilang claim na pumayag ang Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Atty. Salvador Panelo na ipagpalagay man na mayroong umiiral na kasunduan, hindi rin ito kikilalanin dahil naipanalo ng Pilipinas ang arbitral ruling na nagpawalang bisa sa tinatawag na nine-dash line ng China sa kabuuan ng South China Sea.
Ang BRP Sierra Madre na sadyang isinadsad noong 1999 sa ayungin shoal ay matagal nang flashpoint sa pagitan ng Pilipinas at China.
Kamakailan ay iginiit ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na ilang ulit nang nangako ang Pilipinas na tatanggalin ang BRP Sierra Madre na iligal na stranded sa tinatawag nilang Ren’ai Jiao subalit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari. —sa panulat ni Lea Soriano