Na-scam ng P8-M ang celebrity couple na sina Mikee Quintos at Paul Salas matapos mag-invest sa isang cryptocurrency group.
Noong Lunes, nagtungo ang couple kasama ang pitong iba pang biktima sa Makati City Prosecutor’s Office para mag-file ng Estafa complaint laban sa apat na indibidwal na umano’y umengganyo sa kanila na mamuhunan sa cryptocurrency.
Kwento ni Mikee, noong una aniya ay natupad naman ang ipinangakong maibabalik ng triple sa loob lamang ng isang taon ang ininvest na pera, ngunit May 2023 nang muli na naman siyang naengganyo na mag-invest sa naturang grupo dahil sa ipinangakong madodoble ang pera sa loob lamang ng dalawang linggo.
Gayunman, dumaan aniya ang dalawa, tatlong linggo hanggang isang buwan ay hindi pa rin naibabalik ang kanilang pera.
Giit ng Aktres, posibleng modus ng grupo na alagaan ka muna sa umpisa at kapag nawili ka na at naglagak na ng malaking pera ay bigla na lamang itong hindi magpaparamdam at mawawala.
Ayon naman sa kanilang lawyer na si Atty. Lance Tan, mga nasa early 20s lang mga suspek kaya hinimok na lang niya ang mga ito na makipag-settle na lamang para hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Nagpaalala naman Paul sa publiko na huwag masyadong magtiwala at pag-isipang mabuti ang investment para hindi mabiktima ng mga mapagsamantala. —sa panulat ni Jam Tarrayo