Iginiit ni Sen. Imee Marcos na dapat samantalahin ng gobyerno ang sinasabing ceasefire sa pagitan ng Sudanese Army at Rapid Support Forces upang i-evacuate ang mga Overseas Filipino Workers mula sa Sudan.
Binigyang-diin ng senador na habang may pagkakataon, dapat ay maiuwi na sa lalong madaling panahon ang mga Pinoy sa Sudan lalo’t walang katiyakan kung igagalang ng magkabilang panig ang tigil-putukan.
Aminado si Marcos na sadyang nakakaawa ang mga OFW dahil sila na ang naghahanap ng paraan tulad ng pag-renta ng bus upang makatakas lamang sa sitwasyon.
Dapat anyang pag-aralan na ng gobyerno ang pagpapadala ng chartered flights upang mailikas ang may 400 na OFW sa naturang bansa.
Ipinaliwanag ng senador na malayo ang Sudan at wala ring direct flight kaya’t chartered flight ang pinakamagandang paraan upang sunduin ang mga OFW.
Sa ngayon naman ay naghihintay ang Senado ng briefing mula sa Department of Foreign Affairs ukol sa sitwasyon ng mga OFW sa Sudan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News