Isinusulong ng Climate Change Commission ang resolusyong hihikayat sa publiko na iwasan na ang ornamental plants, at sa halip ay magtanim ng edible plants o mga halamang nakakain o nagbubunga ng mga prutas at gulay.
Ang ornamental plants ay hindi nakakain at ginagawa lamang itong palamuti.
Ini-halimbawa ni CCC commissioner Albert de la Cruz ang isang “hugot” line sa social media, na nagsasabing “maganda nga ang rosas, pero huwag kang humingi sa akin ng papaya kapag nag-tinola ka”.
Iginiit ni de la Cruz na mayroon namang halamang gulay na nagbubunga rin ng bulaklak tulad ng patola at kalabasa.
Kaugnay dito, sa oras na mapirmahan umano ng kalihim ng Dep’t of Environment and Natural Resources ang polisiya, ipatutupad ito sa lahat ng public offices.
Naniniwala ang CCC na ang pagpaparami ng edible plants ay makatutulong sa food security. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News