dzme1530.ph

Cashless policy sa mga Kulungan at Penal Farms, ipatutupad ng BuCor simula sa Setyembre

Plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na simulang ipatupad ang cashless policy sa kanilang ino-operate na Prison at Penal Farms sa buong bansa sa susunod na buwan upang masawata ang dumaraming iligal na aktibidad sa pamamagitan ng cash.

Sinabi ni BuCor Dir. Gen. Gregorio Catapang Jr. na pinapayagan ang mga inmate na magkaroon at humawak ng pera habang pinagsisilbihan ang kanilang sentensya bilang pagkilala sa basic human rights.

Aniya, ang pera ay galing sa livelihood programs o sa mga mahal sa buhay na nagsu-sustento sa mga pangunahing pangangailangan ng Persons Deprived of Liberty (PDLs).

Gayunman, inihayag ni Catapang na nakatanggap sila ng reports na ilang PDLs ang ginagamit ang kanilang pera sa iligal na aktibidad at transaksyon, dahilan para magpatupad ang ahensya ng “Cashless Zone” sa mga kulungan.

Ibig sabihin aniya nito, ang mga inmate, pati Corrections Officers na nakatalaga para magbantay sa Security Compound ay hindi papayagang magbitbit ng cash, dahil kukumpiskahin ito at ide-deposito sa trust fund ng PDLs. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author