Nagbabala na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang indibidwal na mahuhuling nagtututok ng projection laser beams o high intensity lights malapit sa mga paliparan.
Ayon sa CAAP, ang mga naturang aksyon ay nagdudulot ng malaking panganib sa kaligtasan ng Aviation at maaaring magdulot ng isang sakuna o aksidente.
Base sa Philippine Civil Aviation Regulations (PCAR) Part 8.5.1.29: isinasaad na walang sinuman ang sadyang magpapalabas ng laser beam o magdidirekta ng mataas na intensity na ilaw sa isang sasakyang panghimpapawid
Itoy maaaring magresulta sa pagkagambala, at makaapekto sa kakayahan ng flight crew na magampanan ang kanilang responsibilidad partikular sa pagtake-off at landing ng mga eroplano.
Batay sa probisyon ng Section ng RA 9497, o ang Civil Aviation Act of 2008, ang sinumang mahuhuling gagawa nito ay maaaring maharap sa matinding parusa.
Kabilang na ang pagkakulong ng hindi hihigit sa tatlong (3) taon, o multa na hindi bababa sa Php 50,000.00 ngunit hindi hihigit sa Php 500,000.00 o parehas ayon sa itinakda ng Korte. — sa panulat ni Tony Gildo, DZME News