dzme1530.ph

BuCor Chief Catapang, kinumpirmang walang mass graves sa Bilibid

Walang mass graves sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), sa Muntinlupa City.

Pahayag ito ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. sa ambush interview, kasabay ng pagbibigay diin na walang bangkay na natagpuan mula sa tatlong septic tanks sa NBP.

Noong Hulyo ay ibinunyag ni dating NBP Supt. Angie Bautista na nakatanggap siya ng tip mula sa isang inmate na mayroong mass grave sa septic tank ng naturang piitan.

Sinabi pa ni Bautista na na-detect ng K9 units mula sa Philippine Coast Guard ang umano’y bangkay mula sa pozo negro habang nagsasagawa ng search operations sa noo’y nawawalang person deprived of liberty (PDL) na si Michael Cataroja.

Gayunman, inihayag ni Dr. Annalyne Dadiz ng National Bureau of Investigation medical legal team na piraso ng buto ng manok at hindi sa tao ang natagpuan mula sa septic tank. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author