dzme1530.ph

BSP, pinaglalatag ng mga mahigpit na regulasyon para sa E-wallet service providers

Pinaglalatag ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga mahigpit na regulasyon upang matiyak ang transparency at reliability mula sa mga e-wallet service providers.

Ginawa ni Revilla ang panawagan sa gitna ng aberya na nangyari sa users’ ng GCash kung saan marami ang nawalan ng pondo sa kanilang accounts at marami ang hindi maka-access sa kanilang GCash funds.

Dismayado si Revilla na hanggang sa oras na ito wala pa ring malinaw na paliwanag na ibinibigay ang GCash.

Iginiit ng senador na dapat malaman ng mga users kung ano talaga ang nangyari sa kanilang perang pinaghirapan at hindi sapat na naglabas lang ng statement ang GCash na ibabalik ang nawalang pera.

Kung hindi aniya na-hack ang mga accounts ay dapat malinaw na naipaliwanag ng e-wallet service provider ang nangyari at paano matitiyak na ligtas ang pera ng publiko.

Ipinaalala pa ng senador na ang mga korporasyon ay dapat na nagtataglay ng interes ng publiko at mayroong ‘fiduciary duty’ o dapat na pinagkakatiwalaan ng kanilang pinagsisilbihan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author