dzme1530.ph

Birth certificate ni Mayor Guo, posibleng makansela; ama ng alkalde, posibleng sangkot sa money laundering

Posibleng makansela ang birth certificate ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo makaraang lumitaw na  maraming  iregularidad  o kwestyableng sa mga nilalaman nito.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, lumitaw na walang supporting documents na makakapagpatunay na totoo ang mga nakasulat sa birth certificate ni Guo.

Inamin din mismo ng mga kinatawan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may iregularidad sa birth certificate ni Guo.

Kinumpirma ni Atty. Eliezer Ambatali, Director III ng legal service ng PSA na wala silang record na may ipinanganak sa Pilipinas na Amelia Leal o Angelito Guo na sinasabing mga magulang ni Mayor Guo.

Wala ring record ang PSA na nagpakasal sa Pilipinas ang mga magulang ni Mayor Guo bagaman at sa birth certificate ay sinasabing kasal ang mga ito.

Samantala, nagdududa si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga transaksyon ng ama ni Mayor Guo na si Angelito Guo.

Ito ay dahil lumitaw sa pagsusuri na lahat ng kumpanya nito ay hindi kumikita subalit nasa 18 hanggang 19 na beses kada taon kung lumabas ng bansa si Angelito.

Ayon kay Gatchalian, posibleng may kinalaman ang ama ng alkalde sa money laundering activities ng mga puganteng Chinese at kriminal na nadiskubreng kasosyo sa mga negosyo ni Guo.

About The Author