Nadagdagan pa ang bilang ng mga na-apektuhang indibidwal bunsod ng malakas na pag-ulang dala ng Super Typhoon Goring.
Batay sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang alas-8 ng umaga, pumalo na sa 85,395 families o katumbas ng 305,481 individuals ang apektado ng masamang lagay ng panahon, na mula sa Region 1, 2, 3, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA, at Region 6.
Nasa 68,723 na indibidwal ang inilikas kung saan 38,021 dito ang nasa evacuation centers at 30,702 ang pansamantalang nanirahan sa ibang lugar o sa kamag-anak.
Nananatili naman sa P41,175,000 ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura, habang base sa report ng Dept. of Agriculture ay pumalo na sa P189.1-M ang inisyal na halaga ng danyos sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nakapamahagi na rin ang pamahalaan ng P11,002,449 na halaga ng tulong sa mga biktima ng naturang bagyo. —sa panulat ni Airiam Sancho