Dahil summer, dagsa na naman ang maraming Pinoy sa beach para magtampisaw. Gayunman, kailangang mag-ingat dahil may mga dikya o jelly fish na maaring umatake at magdulot ng napakatinding sakit ang lason na nakukuha sa mga galamay nito.
Ang luma ngunit napakapopular na paniniwala ay ihian daw ang bahagi ng balat na nadikitan ng galamay upang mawala umano ang hapdi.
Walang katotohanan ito dahil unang una, ang lason na dulot ng mga galamay ng dikya ay isang alkaline.
Upang maalis ang epekto ng lasong alkaline, dapat itong malagyan ng acidic substance, gaya ng suka. Ang ihi ay hindi acidic kaya walang epekto ang paglalagay nito sa lason ng dikya.
Kung walang makuhang suka, makatutulong na buhusan nang tuloy-tuloy ang apektadong balat ng tubig dagat upang maalis ang mga cell na nagbubuga ng lason (nematocytes) mula sa galamay ng dikya.
Huwag na huwag itong huhugasan ng inuming tubig o kahit anong tubig tabang sapagkat palalalain lamang nito ang nararamdamang sakit ng pasyente.