Sa gitna ng matinding karahasang nararanasan sa lalawigan ng Negros Oriental, inilutang ni Sen. Francis Tolentino ang ideya na ipagpaliban ang 2023 Barangay and SK elections sa lugar.
Sinabi ni Tolentino na sa ganitong paraan, matutulungan ang mga law enforcement agencies na matutukan ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Nangangamba ang senador na posibleng tumaas pa lalo ang karahasan sa lalawigan dahil mas mainit anya ang Barangay elections.
Bunsod nito, hiniling ni Tolentino na imbitahan muli sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si Comelec Chairman George Garcia upang malaman ang kanilang magiging opinyon sa rekomendasyon.
Samantala, wala pang nakikitang dahilan si Senador Ronald Bato dela Rosa na magpatupad ng martial law o magkaroon ng military takeover sa Negros Oriental.
Sinabi ni Dela Rosa na ang kailangan lamang ay magtalaga ng isang commander sa lalawigan na matino, istrikto at kayang ipatupad ang batas upang maiasaayos ang peace and order sa probinsya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News