Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Falcon, at huling namataan sa layong 765 kilometers hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Barina, umiiral pa rin sa bansa ang Hanging Habagat na patuloy na pinalalakas ng bagyong Falcon at nagdadala ng pag-ulan sa Zambales at Bataan.
Asahan din ang maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila, Ilocos Region, Pampanga, Bulacan, at Occidental Mindoro.
Maliit naman aniya ang tiyansa ng pag-ulan ngayong araw sa nalalabing bahagi ng bansa kabilang ang Visayas, Mindanao at Bicol Region.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa PAGASA, wala pang banta ng Low Pressure Area sa loob at labas ng bansa, gayunman inaasahan anilang nasa 2 hanggang 3 bagyo ang posibleng pumasok ng teritoryo ng Pilipinas ngayong buwan ng Agosto. —sa panulat ni Joana Luna